kung napunta ka sa site na ito, malamang napindot mo ang asterisk sa multiply blog entry ko o kaya'y pumupunta ka lang talaga sa site na ito (weird yun). ang tagal ko nang hindi nakakapag-post rito. ewan ko nga ba, adiksyon kasi sa multiply. pero simula ngayon, kapag gusto kong ilabas ang kakaunting bahagi ng "proyekto" ko, dito ko ilalagay. para na rin siguro sa sarili ko, maramdaman ko man lang na may progresong nagaganap.
ayon sa plano, mayroong 24 chapters ang kuwento. tapos ko nang isulat ang kabuuan ng kabanata 11 at 24 pero kailangan ko pang ayusin ang format nito. tuloy-tuloy ko lang kasing isinulat ang salitaan ng mga karakter. natigilan ako ngayon sa kabanata 20. medyo nahihirapan akong mag-isip. kaya tumigil muna ako sa pagsusulat. nakagawa naman ako ng mahigit sa dalawang kabanata kanina. hindi naman ako tamad, ayoko lang pilitin ang pagsusulat.
ganito pala talaga ang magsulat ng mahabang kuwento. unang beses kong magsusulat ng ganito kadami ang karakter. isang buong klase ng 28 estudyante. idagdag pa ang ibang guro at ibang school figures. pero minimal lang naman ang papel ng mga iyon.
ang isa sa mga nasulat ko kanina, kabanata 14. may subtitle itong: may mga lihim na nabubunyag habang tumatagal ang panahon. kung may nagbabasa man nito, alam kong medyo weird sundan ang kuwento dahil walang background. sa ibang araw na siguro ang parang abstract ng buong kuwento. gusto ko lang munang ilagay dito ang isang bahagi ng usapan.
“Nararamdaman mo rin ba yang worlds apart drama na sinasabi mo? Kasi kung sakaling may gusto ka, maaaring hindi rin lalaki ang hanap niya?” ang sunod-sunod na tanong ni Shug.
“Aba, gumaganti ka,” ang napatawang sagot ni Mic.
“Hindi naman dapat nag-ma-matter kung magkaiba pa kayo sa tingin ng ibang tao. Basta hindi kayo nagpapanggap sa isa’t isa,” ang singit ni Sam.
“O, Sam, sa’n galing ‘yun?” ang pang-uusisa ni Dids.
Ngumiti si Sam. “Naisip ko lang. Eh di ba ganu’n naman talaga ‘yun?”
Sumagot si Soyala. “That’s an idea of romanticism. It’s ideally great pero problematic kung hindi mo rin alam sa sarili mo kung sino ka. Bago mo maipakita sa iba, dapat hindi ka nagpapanggap sa sarili mo.”
“Waaa, grabe naman ‘yan. Kinikilala ko pa nga lang ang sarili ko. Mapagpanggap ba ako?” ang pabuntung-hingang sagot ni Dids.
“Eh di ba natural lang naman sa age natin na i-explore kung sino tayo?” ang tanong ni Astra. “I’m sure bawat isa sa atin may mga tanong pa rin tungkol sa sarili natin.”
“Not Soyala,” ang singit ni Mic. Tumingin ang lahat kay Soyala.
“Oo nga Soyala. Hindi lahat tulad mo na na-define na ang sarili,” ang banat ni Sam. “Hindi ganu’n ka-simple para sa aming maging sigurado sa mga ginagawa.”
“Hindi naman talaga madali. Kinailangan ko lang talagang mauna dahil sa sitwasyon ko. Huwag mong isumbat sa’kin na wala akong identity crisis. Mas nauna ko lang napagdaanan. May iba pa akong dapat pagtuunan ng pansin,” ang sagot ni Soyala.
“Hindi naman ako nanunumbat. Naisip ko lang na pa’no kung magulo lang talaga ang isip mo? Hindi naman pagpapanggap ‘yun,” ang paliwanag ni Sam.
"Eh di hindi ka pa handa. Wala ka pang karapatan para ipagsigawan sa madla at ipaglaban ang worlds apart drama mo," ang simpleng sagot ni Soyala.
ayun. may pinaghugutan pala ito. may mga tao lang talagang hindi handa. ayokong mag-aksaya ng panahon para antaying maging handa sila. ginawa ko naman ang part ko, sila naman. mahirap na ikaw lang ang gumagalaw pero hindi lang naman ikaw ang involved. toink.